SULATIN 4: KUNG HINDI SAIYO, HINDI ITO MAPAPASAIYO
Minsan sa buhay, may mga bagay tayong gustong makuha o maabot, pero kahit anong gawin natin, parang hindi talaga ito para sa atin. Nakakafrustrate, di ba? Pero kung tutuusin, baka may mas malalim na dahilan kung bakit ganun. Ang kasabihang "Kung hindi sa’yo, hindi ito mapapasa’yo" ay hindi lang simpleng pagtanggap sa pagkatalo, ito’y paalala na may mga bagay na talagang hindi nakalaan para sa atin at okay lang iyon.
Halimbawa, sa pag-ibig. Na-experience mo na ba ang magmahal ng sobra, pero kahit anong effort, hindi mo pa rin nakuha ang "happy ending" na gusto mo? Parang ang sakit, pero minsan, kailangan nating tanggapin na baka hindi siya ang taong para sa atin. Hindi dahil may kulang sa'yo, kundi dahil baka may ibang tao na mas nararapat sa'yo at mas magiging tama ang timing. Kapag pinilit mo ang isang bagay na hindi naman talaga para sa’yo, madalas nauuwi lang ito sa heartbreak o toxic na sitwasyon.
Ang mahalaga, huwag mong isipin na failure ang hindi mo pagkamit ng isang bagay. Bagkus, ito’y tanda na kailangan mong magtiwala sa proseso ng buhay. Kung para sa’yo, dadating ito sa tamang panahon pero kung hindi, hayaan mo na lang. Kasi baka mas masaktan ka pa kung ipipilit mo. Minsan, ang pagtanggap ang unang hakbang para makita mo kung ano talaga ang para sa’yo.
Sa huli, ito ay paalala na hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay. Pero kontrolado natin kung paano natin haharapin ang bawat pagkatalo o pagkukulang. Magtiwala ka lang na ang para sa’yo ay darating din sa tamang oras, sa tamang paraan, at para sa tamang dahilan.