1 / 6
2 / 6
3 / 6
4 / 6
5 / 6
6 / 6

Thursday, January 30, 2025

SURING AKLAT

 Stay Awake, Agatha

ISANG SURING AKLAT: STAY AWAKE, AGATHA 
ni Serialsleepers (Bambi Emanuel M. Apdian)



I. PANIMULA

A. Pamagat


Ang Stay Awake, Agatha ay isang libro na simple pero may bigat ang ibig sabihin. Kung ito ay di mo susuriin ng malalim ang iyong maiisip ay isa lamang itong panawagan para kay Agatha na manatiling gising. Dahil sa kanyang sakit na nagdudulot ng matagal na pagtulog, ang pamagat ay parang babala o paalala na huwag siyang hayaang mawala sa malalim na antok. Kahit hindi pa binabasa ang kwento, may instant intrigue na agad na gustong sagutin “Bakit kailangang gising si Agatha?” ayan rin ang unang pumasok sa isip ko nang makita ang libro na ito.


Pero kung titingnan sa mas malalim na pananaw, pwede rin itong isang metapora para sa buhay mismo. Ang Stay Awake ay maaaring tumutukoy sa hindi pagsuko sa mga hamon, lalo na kung pakiramdam mo ay gusto mo na lang sumuko o kaya naman matulog mula sa problema. Sa ganitong pananaw, ang pamagat ay isang mensahe ng katatagan at pagpapatuloy, na kahit gaano kahirap ang sitwasyon, dapat manatili kang "gising" at lumaban.


Bukod sa misteryo at simbolismo, ang pamagat ay may kakaibang tunog na madaling matandaan. Madali itong basahin, at may dating na parang dramatic at poetic. Ito yung tipo ng pamagat na kapag narinig mo, mapapaisip ka kung ano ang kwento sa likod nito. Kaya naman, bilang isang aklat, epektibo ang nakakapukaw ng interes.


B. Uri ng Panitikan at Genre


Ang Stay Awake, Agatha ay isang contemporary novel na may halong romansa, drama, at medical fiction. Moderno ang takbo ng kwento at relatable sa mga kabataan, lalo na sa mga mahilig sa emotional at deep stories. Unang lumabas ito sa Wattpad, kaya masasabi nating isa ito sa mga tinatawag na digital literature, mga kwentong nagsimula online bago nailathala bilang pisikal na libro.

Sa genre naman, pangunahing romance ito, pero hindi lang siya basta love story. May halo itong medical fiction dahil sa kondisyon ni Agatha. Hindi ito katulad ng tipikal na romance novels kung saan ang conflict ay simpleng love triangle o di-pagkakaunawaan. Dito, may mas malaking problema ang kanyang sakit na nagiging hadlang sa pagmamahalan ng mga bida. Dahil dito, ang kwento ay may mas malalim na emosyon.

C. Pagkilala sa May-akda

Ang sumulat ng Stay Awake, Agatha ay si Bambi Emanuel M. Apdian, na mas kilala sa pen name na Serialsleeper. Isa siya sa mga kilalang Wattpad writers na nakakuha ng malaking fanbase dahil sa kanyang mga nakakakilig pero madamdaming kwento. Dahil sa ganda ng kanyang pagsusulat, nakuha ng PSICOM Publishing ang kanyang akda at ginawang pisikal na libro.

Isa sa mga bagay na nagpapaganda sa kwento ni Serialsleeper ay ang malalim at emosyonal na storytelling. Hindi lang siya basta gumagawa ng kwento para pakiligin ang mambabasa, ginagawa niyang maramdaman mo ang bawat sakit, saya, at hirap ng mga tauhan. Hindi kataka-taka na marami ang naaapektuhan at naiinlove sa kanyang mga gawa.

Dahil sa kanyang talento, naging inspirasyon siya sa maraming baguhang writers na nangangarap ding mapublish ang kanilang mga kwento. Mula sa isang simpleng manunulat sa Wattpad, ngayon ay isa na siyang opisyal na author. Ang tagumpay niya ay patunay na kung mahal mo ang pagsusulat, puwede itong maging daan upang maabot ang pangarap mo at maibahagi ang iyong kwento sa buong mundo.


II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN

A. TEMA / PAKSA

Ang pangunahing tema ng Stay Awake, Agatha ay tungkol sa pag-ibig, sakripisyo, at pakikibaka sa kabila ng mga sakit at pagsubok na kanilang iniinda. Ipinapakita sa kwento kung paano lumalaban si Agatha sa kanyang kundisyon at kung paano siya sinusubukang tulungan ni Cooper na manatiling gising, hindi lang sa pisikal kundi pati na rin sa emosyonal at mental. Ang kwento ay puno ng emosyon, tapang, at determinasyon, na nagpapakita na kahit sa pinakamahirap na sitwasyon, may mga taong handang ipaglaban tayo.

Bukod sa pag-ibig, may isa pang matibay na tema sa kwento ang pagtanggap sa realidad at pagpatuloy ng buhay sa kabila ng sakit. Ang kwento ni Agatha ay isang salamin ng mga taong may pinagdadaanan pero patuloy pa ring lumalaban. Pinapakita nito na hindi lahat ng love stories ay puro saya; may mga pag-ibig na dumadaan sa matinding hamon pero lumalakas dahil dito.

Isa pang mahalagang tema ay ang kahalagahan ng suporta at malasakit. Hindi madali ang pinagdaanan ni Agatha, pero sa tulong ng mga taong nagmamahal sa kanya, nagawa niyang harapin ang kanyang sakit. Ipinapakita ng kwento na minsan, ang tunay na pagmamahal ay hindi lang tungkol sa kilig, kundi sa pananatili sa tabi ng isang tao kahit mahirap na.


B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON

  Mga Tauhan

  1. Agatha Grace - Si Agatha ay may Narcolepsy, isang sleeping disorder na nag-alis sa kanya ng pagkakataong mamuhay nang normal tulad ng ibang bata sa kanyang edad. Ang kanyang kondisyon ay isang malubhang kaso, kaya't madalas siyang matulog nang ilang araw o kahit taon. Dahil hindi na alam ng kanyang mga magulang kung ano ang dapat gawin, dinala nila siya sa ospital upang makakuha ng tamang gamutan. Dito niya nakilala ang mga taong magpapabago sa kanyang buhay, kabilang si Cooper.

  2. Cooper Alvarez - Si Cooper ay lumaki sa ospital mula pagkabata dahil sa sakit na Myeloma, isang uri ng cancer. Dahil sa kanyang sakit, naapektuhan ang kanyang kalusugan at kinailangan niyang takpan ang halos kalbo niyang ulo gamit ang beanie. Sa kabila ng kanyang karamdaman, siya ay maloko at makulit, madalas siyang tumatakas mula sa kanyang nurse hanggang sa minsang mabangga niya si Agatha. Simula noon, nagbago siya mula sa pagiging pasaway patungo sa isang masayahing bata, lalo na sa piling ng kanyang "natutulog na prinsesa." Magkasama nilang hinarap ang buhay sa maliit na espasyo ng Zero Ward, kung saan nila inantay ang kanilang kapalaran.

  3. Reema - Si Reema ay isang fangirl na naging kaibigan ni Agatha matapos nitong tumugtog ng kanta mula sa paborito niyang K-pop band, ang EXO. Siya ay na-confine sa parehong ward nina Cooper, Javi, at Agatha, ngunit mas nauna siyang ma-admit kumpara sa huli. Mabilis silang nagkasundo ni Agatha nang matuklasan nilang pareho silang mahilig sa musika.

  4. Javi - Si Javi ang pang-apat na pasyente sa Zero Ward na nakagapos sa wheelchair matapos maaksidente. Sa kabila ng kanyang pisikal na kondisyon, siya ay isang matibay at positibong kaibigan sa kanilang grupo.

  5. Kuya Leo - Si Kuya Leo ay ang nursing resident na nag-aalaga sa mga pasyente ng Zero Ward mula pa nang ma-confine si Cooper. Dahil sa kanyang kabutihan at pagiging maalaga, itinuring siyang pangalawang ama ng apat na batang nasa kanyang pangangalaga. Sa paglipas ng panahon, tumanda si Kuya Leo at nakaranas ng stroke, ngunit sa kabila nito, bumalik pa rin siya sa ospital matapos gumaling upang ipagpatuloy ang pagbabantay sa kanyang "inaampon" na mga anak. Siya rin ang nagsilbing kupido na naglapit kay Agatha at Cooper sa isa't isa.

Mga Tagpuan

  1. Ospital - Isa pang mahalagang tagpuan dahil dito nagaganap ang mahahalagang eksena na may kaugnayan sa kondisyon ni Agatha. Dito rin madalas silang humahanap ng sagot kung paano mas matutulungan si Agatha.

  2. Coffee Shop - Isang lugar kung saan madalas mag-hang out sina Agatha, Cooper, at ang kanilang mga kaibigan. Ito ay isang neutral ground kung saan sila nagkakaroon ng masayang sandali, kahit pa may mga mabibigat na problema.

  3. Eskwelahan - Isang mahalagang tagpuan sa kwento dahil dito nagaganap ang maraming eksena ng interaksyon ni Agatha, Cooper, at kanilang mga kaibigan. Sa lugar na ito rin ipinapakita kung paano sinusubukang mamuhay nang normal si Agatha sa kabila ng kanyang sakit.

  4. Bahay ni Agatha - Isang tahimik na lugar kung saan makikita ang tunay na struggles ni Agatha. Dito rin ipinapakita kung paano siya inaalagaan ng kanyang pamilya at kaibigan.

  5. Campsite - Isang lugar kung saan silang dalawa lamang ang magkasama at inilaan ang oras na magkasama sila at ito rin ang lugar na huling gising si Agatha

Panahon

Ang kwento ng Stay Awake, Agatha ay nagsimula noong kabataan pa ng mga tauhan, partikular noong sila ay mga bata pa at unang na-confine sa Zero Ward ng ospital. Ito ay isang panahon kung saan ang mga bata ay dapat naglalaro sa labas, pumapasok sa paaralan, at unti-unting nadidiskubre ang mundo, ngunit para kina Agatha, Cooper, Reema, at Javi, ang kanilang mundo ay umiikot sa loob ng ospital.


C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA

Ang paraan ng pagsusulat ni Serialsleeper ay madamdamin, makatotohanan, at puno ng lalim. Mahusay niyang inilalarawan ang emosyon ng bawat tauhan, kaya't ramdam ang bawat saya, lungkot, at sakit na pinagdadaanan nila. Gumagamit siya ng first-person point of view, kaya mas nakikilala ang iniisip at nararamdaman ni Agatha. Dahil dito, nagiging mas madali na makiramay at maunawaan ang kanyang sitwasyon.

Mahilig din ang may-akda sa paggamit ng metaphors at symbolism, lalo na pagdating sa konsepto ng "pagtulog" at "pananatiling gising." Sa ganitong paraan, nagiging mas malalim ang kwento at mas nagbibigay ito ng impact sa mga mambabasa.


III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN

A. KAKINTALAN / KAISIPAN

Ang Stay Awake, Agatha ay hindi lamang isang kwento ng pag-ibig kundi isang malalim na pagsasalamin sa tunay na kahulugan ng pagmamahal at pagsasakripisyo. Ipinapakita ng kwento na ang tunay na pagmamahal ay nasusukat hindi lamang sa masasayang sandali kundi sa pananatili sa piling ng taong mahal mo, kahit na mahirap ang sitwasyon. Sa kabila ng sakit at kawalang-kasiguraduhan sa hinaharap, hindi sumuko sina Agatha at Cooper sa kanilang koneksyon, pinapakita na ang pagmamahal ay hindi lamang tungkol sa kilig kundi sa pagpapahalaga, sakripisyo, at pagiging matatag sa harap ng matitinding pagsubok.

Bukod sa pagmamahal, binibigyang-diin din ng kwento ang halaga ng pag-asa at katatagan. Sa kabila ng kanilang malulubhang kondisyon, natutunan nina Agatha, Cooper, Reema, at Javi kung paano hanapin ang saya sa gitna ng kanilang sakit. Itinuturo ng kwento na bagamat hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay sa ating buhay, may kapangyarihan tayong pumili kung paano natin haharapin ang ating kapalaran. Sa bawat pahina, ipinapaalala nito na minsan, ang simpleng pananatili sa tabi ng isang mahal sa buhay ay isa nang malaking porma ng pagmamahal.

Higit sa lahat, ang kwento ay nag-iiwan ng mensahe tungkol sa kabuluhan ng bawat sandali. Para sa mga tauhan, ang bawat araw na gising sila ay isang biyaya. Sinasalamin nito ang reyalidad ng buhay, hindi natin alam kung gaano katagal tayo may pagkakataong makasama ang mga mahal natin, kaya’t dapat nating pahalagahan ang bawat minuto na kasama natin sila.

B. KULTURANG MASASALAMIN

Makikita sa kwento ang malasakit ng mga Pilipino sa pamilya at kaibigan, isang ugali na likas sa ating kultura. Hindi lamang dugo ang nagbubuklod sa isang pamilya, kundi ang tunay na pagmamahal at pag-aalaga sa isa’t isa. Ito ay makikita sa Zero Ward, kung saan ang mga pasyente at kanilang nurse na si Kuya Leo ay naging parang isang pamilya. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba, nagbuklod sila sa pamamagitan ng kanilang pinagdaraanan at nagsilbing suporta sa isa't isa sa oras ng pangangailangan.

Isa ring mahalagang kulturang sa kwento ay ang pagpapahalaga sa edukasyon at pangarap, kahit na nasa mahirap na sitwasyon. Kahit pa nasa ospital sina Agatha at ang kanyang mga kaibigan, hindi naputol ang kanilang pangarap at pag-asa para sa hinaharap. Sinasalamin nito ang katatagan ng mga Pilipino pagdating sa pag-abot ng kanilang mga mithiin, anuman ang hamon ng buhay.


IV. LAGOM 

 Ang Stay Awake, Agatha ay isang nakakaantig at makabuluhang kwento ng pag-ibig, sakripisyo, dahil sa gitna ng sakit at kawalan ng katiyakan sa buhay. Sa pamamagitan ng kwento ni Agatha, ipinakita na ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa haba ng panahon kundi sa kalidad ng mga sandaling pinili nating ipaglaban ito. Sa kabila ng kanyang kondisyon, hindi hinayaan ni Agatha na maging hadlang ang kanyang sakit upang maranasan ang pagmamahal at patuloy na lumaban para sa kanyang sarili at sa kanyang mga mahal sa buhay.

Bukod sa aspeto ng pag-ibig, binibigyang-diin din ng kwento ang kahalagahan ng pagkakaibigan at pamilya, lalo na sa panahon ng pagsubok. Sa kabila ng matitinding pagsubok na kinaharap nina Agatha, Cooper, Reema, at Javi, pinatunayan nilang hindi kailangang malungkot ang isang mahirap na sitwasyon basta’t may mga taong handang sumuporta at dumamay.

Sa kabuuan, ang Stay Awake, Agatha ay isang kwentong puno ng emosyon at inspirasyon. Pinapaalala nito sna gaano man kaikli o kahirap ang buhay, may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa tagal ng ating panahon at ito ay ang pagmamahal, pagkakaibigan, at pagpapahalaga sa bawat sandali na mayroon tayo.


V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI

Sa huling bahagi ng kwento, isang magandang endgame ang makita na sina Agatha at Cooper ay buhay pa at magkasama pa rin, sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdadaanan. Maaaring magsilbing mensahe ng kwento ang kanilang patuloy na pagmamahalan at pangarap na magpatuloy sa buhay, kahit hindi nila sigurado kung anong mangyayari sa hinaharap. Sa katapusan, ang kwento ay maaaring magbigay ng pag-asa na sa kabila ng lahat ng sakit at hirap, may pag-asa pa rin at may mga pagkakataon para magtagumpay, maghanap ng kaligayahan, at magpatuloy sa pagbuo ng kanilang buhay kasama ang isa't isa.

Ang aking mungkahi ay gawing mas malinaw ang kanilang pagtagumpay sa buhay at ang kanilang patuloy na laban, isang kwento ng pag-asa at tagumpay na ang pangunahing mensahe ay "buhay silang dalawa", umaasa at nagsisilbing inspirasyon sa mga nagbabasa na kahit sa pinakamatinding pagsubok ng buhay, mayroong pag-ibig at pagkakataon na magpatuloy, magsimula muli, at magtagumpay sa huli.






Sunday, January 19, 2025

SULATIN 6

 SULATIN 6

    Sa dami ng ating gustong maabot sa buhay, minsan nakakalimutan natin kung saan tayo nagsimula. Napakadali kasing mag-focus sa mga pangarap at tagumpay, pero ang kasabihang "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan" ay nagsisilbing paalala na mahalaga ang pagtanaw ng utang na loob at pag-alala sa mga taong tumulong sa atin.

    Kadalasan, iniisip natin na ang tagumpay ay bunga lang ng sariling pagsisikap. Pero kung iisipin mong mabuti, may mga taong tumulong, sumuporta, o naging inspirasyon sa’yo. Maaaring ito’y ang magulang mo na nagpakahirap para maabot mo ang edukasyon mo, o ang kaibigan mong nagbigay ng lakas ng loob noong gusto mo nang sumuko. Kapag binalewala mo ang mga taong ito, parang nawawala rin ang halaga ng tagumpay na nakuha mo.

    Ang lumingon sa pinanggalingan ay hindi lang tungkol sa pagiging mapagpasalamat, ito rin ay isang paraan ng pagkilala sa sarili mo. Sa simpleng pag-alala kung paano ka nagsimula. mga hirap na pinagdaanan mo, mga sakripisyong ginawa mo at ng iba, mas magiging grounded ka. Mas mararamdaman mong ang tagumpay ay hindi lamang tungkol sa destination kundi pati na rin sa journey.

    Isipin mo, paano mo mararating ang paroroonan kung wala kang respeto sa pinagdaanan mo? Ang pagiging mapagpakumbaba at marunong magpasalamat ay hindi lang nagpapakita ng karakter; ito rin ay daan para ma-inspire ang iba. Kapag marunong kang lumingon, pinapakita mo sa mundo na hindi ka nakakalimot, na pinapahalagahan mo ang mga ugat ng iyong tagumpay.

    Kaya’t sa bawat hakbang mo papunta sa pangarap mo, huwag kalimutang balikan ang mga aral ng nakaraan. Kilalanin ang mga taong naging bahagi ng kuwento mo at huwag kalimutang ibahagi rin ang biyayang natatanggap mo. Dahil kung marunong kang lumingon sa pinanggalingan, mas magiging malinaw ang daan mo patungo sa iyong paroroonan.




Thursday, January 9, 2025

SULATIN 2

 SULATIN 2: MUNTI

    Si Ghelo ay isang simpleng tao na maraming pangarap sa buhay. Bata pa lang, mahilig na siyang mag-explore at subukan ang iba’t ibang bagay. Oo, madalas siyang magkamali, pero hindi siya sumusuko. Bawat mali ay ginagawa niyang aral para mas gumaling at mas tumibay sa buhay.

    Isa siya sa mga taong laging magalang sa lahat ng nakakausap. Kahit sino pa, sinisigurado niyang may respeto siya. Hindi siya pala-kaibigan, pero ang iilang kaibigan niya ay sobrang totoo at maaasahan. Para sa kanya, hindi mahalaga kung marami kang tropa, basta ang mahalaga, solid ang samahan.
    
    Si Ghelo ay isang simpleng tao pero puno ng ambisyon. Marami siyang gustong marating, hindi lang para sa sarili niya kundi para rin sa mga mahal niya sa buhay. Naniniwala siya na kahit simple ang simula, basta’t determinado ka, kayang-kaya mong maabot ang tagumpay.Kahit minsan may mga pagsubok na dumadating, hindi nawawalan ng gana. Lagi siyang bumabangon at sinasabi sa sarili na kaya niya ito. Para sa kanya, ang importante ay patuloy kang kumikilos para sa pangarap mo.
    
    Isang simpleng tao na may pusong matapang, isip na puno ng pangarap, at palaging positibo sa buhay. Isa siyang patunay na kahit gaano kasimple ang buhay mo, puwede kang magtagumpay basta’t hindi ka titigil sa pagsisikap.



Wednesday, January 8, 2025

SULATIN 3

 SULATIN 3: 

    Sa ating bansa, hindi maiiwasan na magkaroon ng "kanser" sa lipunan. Ito ang mga bagay na nagiging dahilan kung bakit hindi umuunlad ang bansa natin. Ano nga ba ang mga halimbawa nito at paano natin ito masusulusyunan?

    Isa sa mga kanser sa lipunan ay ang gobyerno mismo. Minsan, ginagamit ng ilang nasa posisyon ang kanilang kapangyarihan para mangurakot. Dahil dito, hindi nabibigyan ng sapat na pondo ang mga tao at mga proyekto tulad ng mga paaralan at ospital.

    Isa pang problema ay ang mga krimen at pang-aabuso. Bukod pa rito, nandiyan din ang diskriminasyon batay sa relihiyon, kasarian, o estado sa buhay. Dahil dito, imbes na magtulungan, nagkakawatak-watak ang mga tao. Kapag walang respeto sa pagkakaiba-iba, mas mahirap makamit ang pagkakaisa at pag-unlad.

    Hindi madaling maayos ang mga problemang ito, pero hindi rin ito imposible. Kung magsisimula ang pagbabago sa gobyerno at sa ating mga sarili, may pag-asa pa tayong mabawasan ang mga kanser na ito. Alam nating hindi ito tuluyang mawawala, pero kaya natin itong labanan at paliitin.





Thursday, December 26, 2024

SULATIN 4

SULATIN 4: KUNG HINDI SAIYO, HINDI ITO MAPAPASAIYO



    Minsan sa buhay, may mga bagay tayong gustong makuha o maabot, pero kahit anong gawin natin, parang hindi talaga ito para sa atin. Nakakafrustrate, di ba? Pero kung tutuusin, baka may mas malalim na dahilan kung bakit ganun. Ang kasabihang "Kung hindi sa’yo, hindi ito mapapasa’yo" ay hindi lang simpleng pagtanggap sa pagkatalo, ito’y paalala na may mga bagay na talagang hindi nakalaan para sa atin at okay lang iyon.

    Halimbawa, sa pag-ibig. Na-experience mo na ba ang magmahal ng sobra, pero kahit anong effort, hindi mo pa rin nakuha ang "happy ending" na gusto mo? Parang ang sakit, pero minsan, kailangan nating tanggapin na baka hindi siya ang taong para sa atin. Hindi dahil may kulang sa'yo, kundi dahil baka may ibang tao na mas nararapat sa'yo at mas magiging tama ang timing. Kapag pinilit mo ang isang bagay na hindi naman talaga para sa’yo, madalas nauuwi lang ito sa heartbreak o toxic na sitwasyon.

    Ang mahalaga, huwag mong isipin na failure ang hindi mo pagkamit ng isang bagay. Bagkus, ito’y tanda na kailangan mong magtiwala sa proseso ng buhay. Kung para sa’yo, dadating ito sa tamang panahon pero kung hindi, hayaan mo na lang. Kasi baka mas masaktan ka pa kung ipipilit mo. Minsan, ang pagtanggap ang unang hakbang para makita mo kung ano talaga ang para sa’yo.

    Sa huli, ito ay paalala na hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay. Pero kontrolado natin kung paano natin haharapin ang bawat pagkatalo o pagkukulang. Magtiwala ka lang na ang para sa’yo ay darating din sa tamang oras, sa tamang paraan, at para sa tamang dahilan.









Friday, December 20, 2024

SULATIN 5

 SULATIN 5: DISKARTE O DIPLOMA

    Sa panahon ngayon, usap-usapan kung ano nga bang mas importante, diploma o diskarte? Sabi ng iba, edukasyon daw ang susi sa tagumpay, pero hindi rin natin puwedeng baliwalain ang galing sa diskarte sa pang-araw-araw na buhay. Pero, bakit kailangan mamili kung puwede namang parehong gamitin?

     Ang diploma, malaking tulong ‘yan. Ito ang nagpapatunay na may alam ka at may kakayahan para sa trabaho. Karamihan ng kumpanya, mas kampante sa mga aplikanteng may diploma, lalo na sa mga trabahong may espesyal na requirements. Bonus pa, nakakapagbigay ito ng kumpiyansa at mas maraming oportunidad.

     Pero, hindi rin papatalo ang diskarte. Ito ang alas mo sa mga sitwasyon na hindi kayang solusyunan ng libro lang. Maraming taong umangat dahil sa galing, sipag, at tiyaga, kahit wala silang diploma. Ang diskarte, parang survival kit mo sa buhay, lalo na kung kailangan mong mag-isip nang mabilis o maging malikhain.

      Kung tutuusin, hindi naman magkaaway ang diploma at diskarte. Mas okay nga kung magkasama sila. Ang diploma, foundation mo, habang ang diskarte, weapon mo para mas makuha ang gusto mo. Kapag magkasama ang kaalaman at creativity, mas panalo ka.

    Sa dulo, ang importante ay ‘wag kang tumigil matuto. Kahit wala ka pang diploma, sige lang. Kahit may diskarte ka na, huwag maliitin ang edukasyon. Sa buhay, tuloy-tuloy lang ang aral, at ang kombinasyon ng diploma at diskarte ang magiging ultimate key mo sa tagumpay.






Monday, December 2, 2024

SULATIN 1

SULATIN 1: PANGARAP


        Ano ba ang aking layunin sa hinaharap? Ang aking layunin sa hinaharap ay maging isang ganap na piloto na hindi lamang magbibigay ng magandang buhay para sa aking pamilya at magulang, kundi pati na rin ang makatulong sa mga nangangailangan.

        Nais kong makapagpatayo ng isang magandang bahay para sa aking pamilya, kung saan magkakaroon kami ng komportableng pamumuhay at pagkakataon upang magsama-sama sa kab
ila ng lahat ng mga pagsubok. Bukod dito, nais ko ring magamit ang aking propesyon upang matulungan ang iba, magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan na mangarap at magsikap, at maghatid ng mga serbisyo sa mga lugar na nangangailangan ng tulong. 

    Sa pamamagitan ng pagiging isang piloto, layunin kong makapagbigay ng pagkakataon sa iba na maranasan ang mas magaan na buhay at makapag-ambag sa ikabubuti ng ating bansa at buong mundo.


https://th.bing.com/th/id/OIP.Ksr23nMoCJUf_Yse2GGYLgAAAA?rs=1&pid=ImgDetMain


Featured Post

SURING AKLAT

  Stay Awake, Agatha ISANG SURING AKLAT: STAY AWAKE, AGATHA  ni Serialsleepers (Bambi Emanuel M. Apdian) I. PANIMULA A. Pamagat Ang Stay ...